MANILA, Philippines – Naghain si Senator Risa Hontiveros at ang Akbayan Party-list ng panukalang batas sa Senado at Kamara para ipagbawal sa mga political dynasty at government contractors sa pagiging party-list nominees o representatives, sa layuning ibalik ang tunay na representasyon ng mga ordinaryong Pilipino.
Ayon kay Sen. Hontiveros, hindi dapat gamitin ang party-list system ng mga abusadong personalidad bilang backdoor sa kapangyarihan.
Ang House counterpart bill, na inihain nina Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Ismula, at Kaka Bag-ao, ay naglalayong tiyakin na ang marginalized sectors ang tunay na may boses sa Kongreso, at alisin ang limitasyon sa tatlong upuan para sa mas demokratikong representasyon.
Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, 66% ng party-list groups na nanalo sa 19th Congress ay may nominee mula sa political dynasty, at marami ang nakikinabang mula sa mga proyekto ng gobyerno bilang contractors. RNT/MND