Home OPINION 4 SUSPEK SA ISANG BINGO SCAM, SINAMPOLAN

4 SUSPEK SA ISANG BINGO SCAM, SINAMPOLAN

Hindi basta-basta hinayaan ng operator na madungisan ang maganda at patas na laro ng bingo na pinapatakbo nito at agad itong umaksiyon. Tama naman dahil paboritong-paborito ng maraming Pilipino ang game na ito at sayang kung masasalaula lang ito ng mga mandaraya.

Ang Grand Polaris Gaming Co. Inc. – ang operator ng BingoPlus sa bansa – ay naghain ng mga kasong estafa sa isang BingoPlus player at tatlong empleyado ng BingoPlus matapos malaman na nagsabwatan ang mga ito para mandaya at kunin ang panalo na P3.96 milyon.

Sa pahayag ng kompanya, sinabi nito na pinapanindigan nila “ang pagpapanatili ng mataas na antas ng integridad, katapatan, at tiwala sa loob ng buong komunidad.”

Nahaharap sa nabanggit na kaso ang tatlong empleyado na sina Jefferson Castillo, Catherine Vargas, at Liwliwa Viloria, kasama ang manlalaro na si Rafael Ramirez na nagkutsabahan upang dayain ang resulta ng Bingo Milyonaryo sa BingoPlus SM City Cauayan sa Isabela.

Nilalaman ng reklamo na noong January 19, 2024 ay sama-samang nakilahok ang apat na suspek sa game fixing upang siguruhin na mapapanalunan ni Ramirez ang jackpot prize ng Bingo Milyonaryo.

Si Castillo ang Bingo host noong larong iyon habang sina Vargas at Villoria naman ang naka-duty na mga game attendants.

Nabatid mula sa pulisya na matapos na makuha ni Ramirez ang premyo na P3.16 milyon (bawas na ang tax) ay kanyang hinatian dito sina Castillo, Vargas, at Viloria.

Lumilitaw rin na nagsagawa sina Castillo, Vargas, at Villoria ng isang iskema upang tiyakin na ang mga iaanunsiyong numero ay tutugma sa bingo card na hawak ni Ramirez.

Binigyang-diin ng Grand Polaris Gaming Co. Inc. na hindi nila kailanman papayagan ang sinumang indibidwal na makalusot sa anumang pandaraya at ito’y papanagutin nila sa batas sa nagawa nitong aktong kriminal.

Sana’y maging aral at tanda ang naging karanasan ng apat na suspek para sa iba pang nagpaplanong mang-scam, hindi lamang sa BingoPlus kundi pati na rin sa iba nilang maitim na balak.