MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang apela ni Sen. Jinggoy Estrada laban sa ikalawang 90-araw na preventive suspension na ipinataw sa kanya kaugnay ng mga kasong plunder at graft sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa resolusyong isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeses, iginiit ng anti-graft court na magkahiwalay at independiyente ang mga kasong dinidinig ng Fifth Division at Second Division, na unang nag-utos ng 90-araw na suspensiyon noong Hunyo.
Nauna nang iginiit ng kampo ni Estrada na natapos na niya ang unang suspensiyon at ang panibagong 90 araw ay magreresulta sa kabuuang 180-araw na pagkakasuspinde.
Ayon sa senador, maaari nitong gawing parusa ang preventive suspension sa halip na pansamantalang hakbang habang dinidinig ang mga kaso.
Gayunman, hindi ito tinanggap ng Sandiganbayan at binigyang-diin na magkaiba ang mga kasong pinagbabatayan ng dalawang suspension order.
Ipinaliwanag din ng korte na tungkulin nitong ipataw ang preventive suspension alinsunod sa mga batas na sumasaklaw sa mga kasong kinakaharap ng senador.
Samantala, sinuportahan ng Office of the Ombudsman ang desisyon ng Sandiganbayan.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, pinagtibay ng resolusyon ang posisyon ng prosekusyon na magkahiwalay ang mga kasong hawak ng dalawang dibisyon.
Binigyang-diin din niya na ang preventive suspension ay isang hakbang upang mapangalagaan ang integridad ng judicial proceedings at hindi nangangahulugang napatunayan nang nagkasala ang akusado.
Nauna nang tinanggihan ng Fifth Division noong Setyembre ang apela ni Estrada kaugnay ng kanyang kahilingang makapagpiyansa sa kasong plunder na may kinalaman sa umano’y P573 milyong kickback mula sa flood control projects.
Patuloy na kinakaharap ng senador ang mga kasong isinampa laban sa kanya, na dati na niyang itinanggi. Santi Celario