MANILA, Philippines – Kinondena ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang pag-aresto sa mga estudyante at iba pang kalahok sa Lakbayan ng Timog Katagalugan sa Muntinlupa City noong Linggo, Nobyembre 15, kasabay ng 49th ASEAN Summit.
Sa pahayag ng UPLB Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA), nanawagan ang unibersidad na agad palayain ang mga estudyante kung walang legal na batayan para sa kanilang patuloy na pagkakakulong.
Binigyang-diin ng tanggapan na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan sa malayang pagpapahayag, mapayapang pagtitipon at pakikilahok sa mga usaping panlipunan.
Hiniling din ng UPLB na tiyaking may access sa abogado, komunikasyon sa pamilya at kinakailangang medikal na tulong ang mga inarestong estudyante.
Ayon sa unibersidad, makikipag-ugnayan ito sa mga kaukulang tanggapan at legal support groups upang mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga estudyante.
Kabilang sa mga inaresto ang ilang campus journalist na nagkokober sa kilos-protesta laban sa panukalang Pax Silica initiative at pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas.
Nauna nang kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang umano’y pag-aresto at harassment sa mga mamamahayag habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Samantala, sinabi ni Southern Police District Director Brig. Gen. Rodel Pastor na mahigit 200 demonstrador ang inaresto matapos umanong tumangging sumunod sa mga tagubilin ng pulisya at magsagawa ng protesta sa kalsada.
Iginiit naman ng mga organisasyong lumahok sa Lakbayan na mapayapa ang kanilang pagkilos at bahagi ito ng paggamit ng kanilang karapatang magpahayag.
Nanawagan ang UPLB ng malinaw at transparent na paliwanag sa mga pangyayari at sa legal na batayan ng pag-aresto sa mga estudyante. Mary Anne Sapico