MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Pilipinas at 13 iba pang bansa na walang legal na batayan ang malawak na pag-angkin ng China sa South China Sea, sa ika-10 anibersaryo ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016.
Sa magkasanib na pahayag, sinabi ng mga bansa na pinal, may bisa, at dapat sundin ang arbitral ruling, na nagsasabing walang legal na batayan ang pag-angkin ng China batay sa tinatawag nitong “historic rights.”
Nanawagan din sila na lutasin ang mga alitan sa dagat sa mapayapang paraan at ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Iginiit din ng mga bansa ang kahalagahan ng kalayaan sa paglalayag at paglipad, at tinutulan ang paggamit ng coast guard, militar, at maritime militia upang manggipit, humarang, o manakot sa mga lehitimong operasyon ng ibang bansa.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag ang Australia, Canada, Germany, Italy, Japan, New Zealand, United Kingdom, United States, at iba pang bansa.
Ang arbitral ruling ay inilabas noong Hulyo 12, 2016, matapos ihain ng Pilipinas ang kaso laban sa China noong 2013. Patuloy namang hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon. RNT/MDS