Home METRO Arkitekto, 2 pa timbog sa pagdukot sa may-ari ng ‘comshop’’ sa Bulacan

Arkitekto, 2 pa timbog sa pagdukot sa may-ari ng ‘comshop’’ sa Bulacan

272
0

BULACAN, Philippines – Arestado ang tatlong lalaki kabilang ang isang architect na umano’y dumukot sa may-ari ng computershop sa bayan ng Guiguinto noong madaling araw ng Oktubre 20.

Ayon sa ulat ni PMAJ. Ian Sanchez, Officer-in-Charge ng Guiguinto police station, kinilala ang mga suspek na sina alyas JM, 40, architect, alyas Chu, 40, construction worker at alyas Nel, 26 pawang residente ng Caloocab at Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, bandang 4:00 ng madaling araw ay humingi ng saklolo sa istasyon ang ina ng biktima dahil dinukot umano ang kanyang anak at isinakay sa abong Toyota Fortuner.

Dahil dito, rumesponde ang mga tauhan ng istasyon hanggang sa na-flag down ang naturang sasakyan malapit sa Sta. Rita de Casia Parish Church kaya nailigtas ang biktima at naaresto ang mga suspek.

Sa salaysay ng biktima, regular na parokyano niya ang suspek sa kanyang computer shop nang pasakayin ito sa sasakyan nito dahil sa nasirang desktop computer na kamakailan lamang ay inayos at pinuntahan sa lungsod ng Baliwag.

Dahil dito, humingi umano ang suspek ng P30,000 bilang danyos para sa kanya at sa kanyang dalawang kasamahan.

Inutusan pa umano ng suspek ang biktima na tawagan ang kanyang mga kaanak upang magpadala ng pera bago mag-alas-3:00 ng madaling araw at kung hindi ay hindi siya palalayain.

Habang bumabiyahe, dumaan sila sa Tabang Exit patungong Meycauayan hanggang sa bumalik sa Brgy. Sta. Rita at masabat dito ng mga rumespondeng pulis.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng nasabing istasyon. (Dick Mirasol III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here