MANILA, Philippines- Posibleng sangkot ang armadong grupo sa pamamaril kay Datu Piang, Maguindanao del Sur Vice Mayor Datu Omar Samama, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules.
Sinabi ni PNP public information office acting chief Police Colonel Randulf Tuaño na tinalakay niya ang kaso kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) chief Police Brigadier General Romeo Macapaz.
“Sa ngayon po, ang tinitignan po nila ay ‘yung mga armed group. Ito po ay ayon kay [Regional Director] Macapaz. Sinasabi niya po ang suspek natin po sa ngayon ay isang armed group,” pahayag ni Tuaño sa isang press briefing.
Bineberipika pa ng mga awtoridad kung may kinalaman sa politika ang motibo sa pag-atake.
Base kay Tuaño, nasa labas ng crowd ang shooter ng vice mayor at nagtatago. Dahil dito, hinihinala ng mga pulis na isang sniper ang gunman.
“Ito po ay nasa labas ng crowd area, meaning covered po ‘yung area na posible po na isang sniper ang namaril. Kaya sinasabi niya since covered po ‘yung area, kaya walang malinaw na clear shot po ‘yung suspek,” pahayag niya.
Nitong Lunes, sugatan si Samama nang barilin siya ng hinihinalang sniper habang nagtatalumpati sa isang programa sa Barangay Magaslong dakong alas-10 ng umaga.
Base kay Tuaño, nasa maayos na kondisyon na ang bise alkalde at nagpapagaling sa isang ospital matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang tiyan.
Muling tatakbo ang bise alkalde sa parehong posisyon sa May 2025 elections.
“We are so saddened and we accept this as an open challenge to us and other law enforcement authorities. Violence has no place in a civilized society,” naunang pahayag ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia.