MANILA, Philippines- Kulong ang isang lalaki matapos itawag sa pulisya na may bitbit na baril habang pagala-gala sa lansangan na dahilan upang magdulot ng pangamba sa mga residente sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang suspek na si alyas ‘Imaw’, 25, ng NBBS Proper na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to the Omnibus Election Code.
Ayon kay Col. Cortes, nakatanggap ng ulat ang Station Tactical Operations Center (STOC) sa pamamagitan ng ‘TXT JRT’ hinggil sa isang armadong lalaki na pagala-gala na may bitbit na baril sa bisinidad ng Youngs Town, R-10, Brgy. NBBS Proper dahilan upang magdulot ng takot sa mga residente sa lugar.
Agad itong itinawag ng STOC sa Kaunlaran Police Substation 4 na nakasasakop sa lugar kaya mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng SS4 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Wala ring naipakita ang suspek ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng nakuha sa kanya na isang caliber .22 revolver na kargado ng isang bala kaya binitbit siya ng pulisya sa selda. Rene Manahan