Home METRO Armadong lalaki todas sa engkwentro sa mga parak; 1 pa sugatan

Armadong lalaki todas sa engkwentro sa mga parak; 1 pa sugatan

ANGELES CITY- Patay ang isang suspek habang sugatan ang kasama nito matapos makipagbarilan sa mga pulis, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nasawi habang ginagamot sa ospital ang kasama nitong si Alexander Jake Ador Ting, nasa hustong gulang at taga Magalang, Pampanga.

Batay sa report ng Angeles City Police Office (ACPO), bandang alas-5:30 ng hapon noong Martes nang maganap ang engkwentro sa Korean Town Barangay Anunas ng nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report hinggil sa kahina-hinalang mga suspek na armado na umiikot sa naturang lugar lulan ng Aerox motorcycle na walang plaka.

Agad na natungo ang mga operatiba ng Police Station 4 sa nasabing lugar at namataan ang mga suspek na una umanong bumunot ng baril at nagpaputok.

Mabilis namang gumanti ng putok ang pulis na si Police Master Sergeant Rommel Nool at tinamaan ang driver ng motorsiklo na agad nitong ikinasawi habang dinala naman sa ospital ang sugatan na si Ting.

Narekober ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ang 45-caliber Colt pistol na may defaced serial number, magazine na may anim na bala, at isang basyo.

Sinabi ng pulisya na ang nasabing lugar ay hotspot ng snatching ng motorcycle-riding criminals.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.

Inihanda naman ang kasong isasampa laban kay Ting. Mary Anne Sapico