Home METRO Armadong motorista sa Makati road altercation sasampahan ng karagdagang kaso

Armadong motorista sa Makati road altercation sasampahan ng karagdagang kaso

MANILA, Philippines- Nagsampa ng karagdagang kaso laban sa armadong motorcycle rider na nahuli sa isang video sa road altercation sa isang pulis sa kahabaan ng Osmeña Highway sa Makati City, ayon sa Southern Police District (SPD).

Sa ulat nitong Biyernes, sinabi ng SPD na nahaharap ang 48-anyos na si Angelito Rencio sa karagdagang kaso matapos sumuko sa mga awtoridad noong Huwebes ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon, iniulat ng SPD na nagpakita si Rencio ng ilang pekeng identification cards na nagsasaad ng umano’y kaugnayan nito sa Philippine National Police (PNP) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Dahil dito, naghain ng karagdagang mga kaso laban sa kanya sa paglabag sa Republic Act 493 (posing as a retired member of the Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines) at Art. 172 ng Revised Penal Code (falsification of public documents).

Gayundin, nagsilbi ng warrant of arrest ang mga pulis laban sa kanya para sa qualified theft na inisyu ni Hon. Maricris B. Pahate-Felix, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 133, Makati City.

Bukod sa mga kasong ito, nahaharap din si Rencio sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Art. 177 (Usurpation of Authority), at Art. 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) ng RPC.

Sinabi ng SPD na ire–refer si Rencio sa Makati City Prosecutor’s Office at sasailalim sa inquest proceedings sa paglabag sa RA 493 and Art. 172 ng RPC matapos makumpleto ng mga awtoridad ang mga dokumentong kinakailangan para sa kanyang kaso. RNT/SA