Home METRO Army Major binistay ng bala sa opis, todas!

Army Major binistay ng bala sa opis, todas!

Bulacan- Patay ang mataas na opisyal ng Philippine Army matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang motorcycle rider sa kanyang tanggapan sa bayan ng Angat.

Kinilala ang biktima na si Major Dennis Moreno, 41, may asawa, miyembro ng Philippine Army, nakatalaga sa AFP-RESCOM General Headquarters at residente ng Brgy. San Roque.

Sa report ng Angat police, nangyari ang insidente bandang alas-5:45 ng hapon nitong Abril 20 sa SEM278 Enterprise, Brgy. Marungko.

Ayon sa imbestigasyon at base na rin sa salaysay ng saksing sekretarya ng biktima, nakaupo ang opisyal sa kanyang opisina nang pasukin at pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek.

Nabatid din sa salaysay na mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril lulan ng itim na motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.

Agad dinala ang biktimang duguan dahil sa tama ng mga bala sa iba’t ibang parte ng katawan sa Twin Care Hospital para sa paunang lunas subalit binawian na ng buhay.

Dahil dito, nagsagawa ng dragnet operation at malalimang imbestigasyon ang binuong task group ng pulisya para mahuli ang suspek.

Nanawagan din ang pulisya sa publiko na kung may nalalamang impormasyon sa nangyaring insidente ay makipagtulungan sa kanilang isinasagawang imbestigasyon para sa ikalulutas ng kaso.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang pulisya sa naiwang pamilya, kaibigan at kasamahan sa serbisyo ng biktima. Dick Mirasol III