MANILA, Philippines — Nanawagan ang Philippine Army’s 2nd Infantry Division (ID) nitong Martes sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) na palayain ang isang Filipino-American na nasa kanilang kustodiya upang makabalik ito sa kanyang pamilya sa Estados Unidos.
“We urge the CPP-NPA to release Cristina Pasion and allow her to return safely to her family. No cause should come at the cost of a person’s life,” ayon kay 2nd ID spokesperson Col. Michael Aquino.
Ang panawagan ay kasunod ng kumpirmasyon ng AnakBayan-USA na dalawang American nationals—sina Lyle Prijoles at Kai Dana-Rene Sorem—ay kabilang sa 19 na napatay sa engkuwentro sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.
Ayon sa mga awtoridad, pumasok sa bansa ang dalawa noong Marso at kalaunan ay nasangkot sa armadong labanan kasama ang mga miyembro ng NPA.
Si Pasion, na kinilala bilang miyembro ng Migrante International, ay naunang naiulat na kasama ang Filipino-American na si Chantal Anicoche sa Mindoro noong Disyembre 2025.
“Available information indicates that Pasion has yet to return to her family and is believed to have remained with the armed group following a series of encounters in San Jose, Occidental Mindoro, on March 24 and 29, 2026,” ayon kay Aquino.
Giit niya, ipinapakita ng insidente noong Abril 19 sa Negros Occidental ang mga panganib na kinakaharap ng mga indibidwal na nasasangkot sa armadong grupo, lalo na ang mga mula sa ibang bansa.
“These developments highlight a troubling pattern where foreign nationals are drawn into armed conflict, exposing them to immediate danger and irreversible consequences,” dagdag ni Aquino.
Nagbabala rin siya laban sa umano’y recruitment ng CPP-NPA at mga kaalyadong organisasyon, na aniya ay maaaring naglalagay sa mga indibidwal sa mapanganib na sitwasyon sa ilalim ng maling impormasyon. Mary Anne Sapico