MANILA, Philippines – Ipinagpaliban ng Sandiganbayan Third Division nitong Biyernes ang arraignment ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at ng anim niyang kasamang akusado sa kasong malversation kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Associate Justice Karl Miranda, kinakailangang ipagpaliban ang arraignment dahil may nakabinbing mga mosyon ang mga akusado na kumukuwestiyon sa merito ng kaso. “The arraignment is reset on February 9, 2026 at 8:30 in the morning,” ani Miranda.
Nakatakda pa ring ganapin alas-1:30 ng hapon ng Biyernes ang arraignment ni Revilla sa hiwalay na graft case. Inatasan din ni Miranda ang depensa na ihain ang lahat ng natitirang mosyon hanggang Enero 26, habang binigyan naman ng hanggang Enero 28 ang mga piskal upang magsumite ng kanilang komento.
Dagdag pa ni Miranda, bibisitahin ng mga mahistrado ng Sandiganbayan ang Quezon City Jail Male at Female Dormitories sa Barangay Payatas sa Enero 23 upang inspeksiyunin ang kalagayan ng mga detenido, kabilang ang mga sangkot sa mga kasong may kinalaman sa umano’y anomalous flood control projects.
Dumating si Revilla at ang kanyang mga kasamang akusado sa Sandiganbayan noong Biyernes ng umaga. Suot ni Revilla ang Persons Deprived of Liberty na dilaw na uniporme at sinamahan ng kanyang asawang si Lani at mga anak na sina Brian at Jolo.
Ang iba pang akusado ay sina Engr. Jaypee Mendoza, Engr. Arjay Domasig, Engr. Emelita Juat, DPWH Bulacan First District Engineering Office finance section chief Juanito Mendoza, at cashier na si Christina Pineda.
Nagpalabas ng warrant of arrest ang anti-graft court laban kay Revilla at sa kanyang mga kasamang akusado noong Lunes, at boluntaryong sumuko ang dating mambabatas sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame sa parehong araw. RNT