MANILA, Philippines – Inaasahang magkakaroon ng magkakahalong galaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB).
Batay sa industry estimates gamit ang Mean of Platts Singapore (MOPS) trading nitong nakalipas na apat na araw, sinabi ni DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero na posibleng bumaba ng humigit-kumulang P0.05 kada litro ang presyo ng gasolina, habang maaaring tumaas ng nasa P0.80 kada litro ang diesel at P0.45 kada litro ang kerosene.
Hindi pa kasama sa mga pagtatayang ito ang operating cost ng mga kumpanya ng langis at iba pang premium.
“Crude trims gains on US – EU trade tensions over Greenland and the optimism about China’s demand after stronger-than-expected GDP and boosted outlook for their crude consumption. Also, the geopolitical tensions continued to put risk premiums on oil products,” pahayag ni Romero. Dagdag niya, malalaman pa ang pinal na MOPS trading figures matapos ang kalakalan nitong Biyernes.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na pagbabago sa presyo tuwing Lunes, na ipinapatupad kinabukasan. RNT