Home NATIONWIDE Arrest warrant vs Quiboloy pinabubuksan ng California judge

Arrest warrant vs Quiboloy pinabubuksan ng California judge

NEW YORK CITY- Ipinaag-utos ni Central District of California Judge Terry Hatter Jr. ang paglalantad sa arrest warrants laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at kanyang co-accused.

Inihirit ito ng United States Attorney Criminal Division na humahawak sa kaso ni Quiboloy, kabilang ang kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.

“Upon application of the government, and for good cause shown, the arrest warrants and returns in this case are unsealed,” pahayag ni Hatter sa kanyang order na may petsang March 1, 2024.

Ayon sa New York lawyer na si Lara Gregory, posibleng ito ang maging unang hakbang sa pagpapairal ng extradition process ng US Department of Justice para kay Quiboloy.

Ngayong “unsealed” na ang arrest warrants para kay Quiboloy at kanyang co-accused, maaaring mag-isyu ang INTERPOL ng Red Notices para sa kanilang mga pangalan, ani Gregory.

“What happens is that the name of a person listed on a Red Notice is placed on a lookout list, and when the name of the person listed comes to the attention of law enforcement abroad, the NBI (National Bureau of Investigation) in the Philippines will notify through INTERPOL, and the US Federal Prosecutor will then request that person’s provisional arrest and/or file a formal request for extradition,” dagdag ni Gregory.

Nananatiling wanted sina Quiboloy, Helen Panilag, at Teresita Tolibas Dandan sa Federal Bureau of Investigation (FBI) at pinaniniwalaang nasa Pilipinas.

Nauna nang inaresto ng FBI ang mga opisyal at miyembro ng KOJC, kabilang sina Guia Cabactulan, Marissa Duenas, Amanda Estopare, Felina Salinas, at Bettina Padilla Roces, kapwa co-accused ni Quiboloy.

Sa audio message noong nakaraang buwan, inakusahan ni Quiboloy, na itinanggi ang mga alegasyon laban sa kanya, ang US government na nakikipagsabwatan umano sa Philippine government officials, ng planong pagpatay sa kanya.

Sa isa pang audio message, sinita ni Quiboloy ang US Embassy sa Pilipinas sa umano’y pagiging “one-sided.” 

Noong December 2022, iginiit ng kampo ni Quiboloy na ang kaso ng human rights abuse na iniuugnay sa kanya sa US ay “grandstanding” ng US government.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang abogado ni Quiboloy sa Pilipinas na si Atty. Ferdinand Topacio ukol sa bagong kaganapan sa kaso. RNT/SA

Previous article2 SHS studes tiklo sa buy-bust
Next articlePH envoy sa Beijing pinauuwi ng Senado vs Chinese bullying sa WPS