Home NATIONWIDE PH envoy sa Beijing pinauuwi ng Senado vs Chinese bullying sa WPS

PH envoy sa Beijing pinauuwi ng Senado vs Chinese bullying sa WPS

MANILA, Philippines- Kailangan nang pansamantalang pauwiin ng Palasyo ang embahador ng Pilipinas sa Beijing bilang matinding protesta sa patuloy na panghihimasok at pambabastos ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Senador Francis Tolentino.

Nitong nakaraang araw, binangga ng Chinese Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Navy na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal na pag-aari ng bansa.

Sinabi Tolentino na dapat nang pauwiin ang Philippine envoy sa Beijing upang ipakita ang matinding pagkadismaya hinggil sa huling panghihimasok ng China sa WPS.

Sangkot sa huling insidente ang barko ng Pilipinas at China na nangyari nitong Martes sa paligid ng karagatan ng Second Thomas Shoal sa Spratly Islands na mayroon paghahabol ang ilang bansa.

Ayon sa awtoridad ng Maynila, nagkaroon ng banggaan ang dalawang barko ng Pilipinas sanhi ng panggigipit ng CCG at binomba ng tubig sa isa kaya nasugatan ang apat na crew na Filipino.

“Although this is the prerogative of the executive department, perhaps it’s about time that we recall temporarily the Philippine ambassador to Beijing to really show our utmost disgust to what just happened wherein injuries were recorded,” ayon kay Tolentino.

“It is timely because our ambassador to Beijing is in the Philippines right now. We can just let him stay for several weeks to iron all of these out,” giit niya.

Naalarma ang Palasyo sa huling insidente na itinuturing ng ilang Filipino military commander na pinakamatindi sa nakalipas na dalawang taon. Ngunit, sa kabila ng tensyon, inihayag ng Palasyo na hindi gagamitin ng gobyerno ang mutual defense treaty sa US na obligado ang Maynila at Washington na magtulungan kapag may external attack.

Ayon kay Tolentino, hindi mapuputol ang relasyong diplomatiko sa China kapag pansamantalang pauuwiin ang embahado ng bansa sa Beijing.

“The consular offices would still be open but recalling the ambassador is one of the highest protests that we can do right now sans any moves that would escalate the situation,” wika ng senador.

“This is in line with various allowed diplomatic tools we have in our possession. It was done before,” giit pa niya. Ernie Reyes

Previous articleArrest warrant vs Quiboloy pinabubuksan ng California judge
Next articleJulio, inakalang mauuna pa kay Jaclyn!