Home NATIONWIDE Arrival curbside ng NAIA T1 ‘di na lang para sa mga VIP

Arrival curbside ng NAIA T1 ‘di na lang para sa mga VIP

MANILA, Philippines – Binuksan na para sa lahat ng mga pasahero ang arrival curbside ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 na dati ay para lamang sa mga VIP.

Binuksan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) ang main arrival curbside para sa lahat ng mga pribadong sasakyan, kabilang ang ride-hailing cars.

Sa pahayag, sinabi ng NNIC na “The change provides a more inclusive and convenient experience for arriving travelers and their loved ones, as part of a broader effort to improve traffic flow and passenger comfort.”

Ito ay kasalukuyan pang nasa soft launch at posibleng magkaroon pa ng mga pagbabago sa mga proseso bago ang full implementation nito sa hinaharap.

Sa ngayon, ang Bays A1-14 ay para sa lahat ng mga pasahero, Bays A8-9 sa persons with disabilities, Bays A11-12 sa VIPs, at Bays A13-14 sa mga hotel at ilang bus.

Ang outer curbside o ang bays B1-6, ay karagdagang pick-up areas. Ang ride-hailing area ay matatagpuan din sa outer curbside.

Bukas pa rin naman ang dating arrival area na itinakda bilang bay C o arrival extension na maaaring gamitin ng rent-a-car services, coupon taxis, at yellow metered taxis.

Binuksan din ang ‘greeters area’ para sa mga kapamilyang sumasalubong. RNT/JGC