Manila, Philippines – Mabuti’t nakinig at napigilan ni Nadine Samonte ang kanyang non-showbiz husband na galit na galit sa sinapit ng aktres sa nakaraang GMA Gala.
Naiulat nang wala sa guest list ang pangalan ng Starstruck Season 1 alumna gayong imbitado siya.
Pinadalhan pa raw siya ng mensahe mula sa produksyon kung anong oras siya dapat bumaba mula sa kanilang room sa Marriott Hotel.
Sa ballroom kasi ng nasabing hotel sa Pasay City ang venue ng affair.
Ayon sa interbyu ng PEP kay Nadine, hindi na raw niya tinapos ang programa.
Umakyat na lang daw siya sa hotel room nilang mag-asawa pero pigil na pigil daw ang kanyang emosyon.
Nang ‘di na makayanan, sa loob daw ng banyo umiyak si Nadine.
Nagkataong narinig ‘yon ng kanyang asawa.
Paglabas ng banyo, doon na napilitang ikuwento ng aktres ang pangyayari.
Natural na ikinagalit ‘yon ng kanyang asawa na nagbantang bababa para kumprontahin ang in charge sa event.
“Hindi kita pinayagang mag-artista uli para ganyanin ka!” galit na sabi ng asawa.
Nabanggit din ni Nadine sa PEP na hindi rin daw naging maganda ang una niyang pagdalo sa GMA Gala noong isang taon.
Pero hindi na idinetalye pa ‘yon ng aktres.
What added insult to injury ay ang mensahe mula sa isang naggangalang Jerome presumed to be part of the production.
Panay daw kasi ang hingi nito ng dispensa, sabay sabing: “Hope you still had an enjoyable night!”
Hindi na raw nag-reply si Nadine dahil baka raw kung ano pa ang kanyang nasabi.
Pero giit niya, wala raw siyang sama ng loob sa GMA.
‘Yan naman ang hindi kapani-paniwala!
Nabastos na siya’t lahat, pero okey lang kay Nadine?! Ronnie Carrasco III