BEIJING- Binayo ni Bagyong Gaemi ang mga bayan sa coastal Fujian province ng China nitong Biyernes, kung saan nakaranas ng malakas na pag-ulan at hangin.
Umabot na ang bilang ng apektado ng nasabing bagyo sa 630,000 indibidwal sa Fujian, kalahati sa mga ito ang inilikas, batay sa ulat ng Xinhua news agency. Nitong linggo, dose-dosena ang nasawi sa paghagupit nito sa Taiwan at pagpapalakas sa monsoon sa Pilipinas.
Si Gaemi ay mayroong hangin na aabot sa 100.8 kph (62.6 mph) malapit sa sentro, bahagyang mahina sa naitalang 118.8 kph noong Huwebes ng gabi nang mag-landfall ito sa Fujian city ng Putian.
Bagama’t humina na si Gaemi bilang isang tropical storm dahil sa mas mabagal na wind speeds, nananatiling “flood-risk” ang cloud-bands nito, partikular sa mga ilog sa central China na tumaas na ang tubig dahil sa summer rains.
Dahil sa bagyo, 72 bayan sa Fujian ang nakapagtala ng accumulated precipitation na lampas 250 mm (9.8 inches), kung saan umabot ang pinakamataas sa 512.8 mm, base sa local weather bureaus.
Nitong Huwebes, nagdulot ng pagbaha si Gaemi sa ilang siyudad at bayan sa Taiwan, na nag-iwang sugatan sa mahigit 700 indibidwal at kumitil sa pito at nagpalubog pa ng isang freight sa katubigan ng isla.
Sa Pilipinas, patay sa bagyo ang 32 indibidwal, kung saan nagdeklara ang Manila ng “state of calamity” kasunod ng malawakang pagbaha. RNT/SA