CEBU CITY- Iniugnay ng Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7) sa aktibong partisipasyon ng komunidad ang pagkakakumpiska sa malaking halaga ng hinihinalang shabu sa Barangay Kalunasan nitong Miyerkules ng gabi.
Nasabat ang mga pakete ng hinihinalang shabu na 2.05 kilo at may estimated value na P13.9 milyon mula sa isang 31-anyos na kinilalang si Argue Parame Rivas.
Isinagawa ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation.
“This is the result of our sustained efforts to earn the trust and confidence of the community, ensuring integrity in the conduct of police operations in accordance with police operational procedures. We could not have achieved this without the overwhelming support from the Central Visayas community,” wika ni Police Brig. Gen Anthony Aberin, hepe ng PRO-7.
Batay sa mga pulis, ang suspek na residente ng Barangay Kalunasan ay isang high-value individual.
Anang suspek, taga-deliver lamang siya ng kontrabando at binabayaran ng P5,000 kada transaksyon.
Maghahain ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek. RNT/SA