GONE are the days na kumpas lang ng kamay ni Liberal Party stalwart at defeated presidential wannabe Mar Roxas ay iyon na ang masusunod sa kalakaran ng pulitika sa lalawigan ng Capiz.
Bakit? Aba’y kung noon ay turo ng daliri lang ang kasama sa partido na isasabak kapag sumasapit ang eleksyon, ngayon ay mistulang nawalan ng tikas si Roxas sa pulitika sa kanyang probinsya.
Kwento ng aking insiders, nais ni Roxas na tumakbo ang kanyang anak – si Paolo Roxas bilang kongresista ng unang distrito kaya tinipon ang mga natitira pang liberal party mates sa probinsya.
Kasama si Governor Oto Castro at ilang mayors ay binuo ang One Capiz Party na nag-endorso sa anak ni Roxas pero sa talumpati ay hindi naringgan ang gobernador ng direktang pag-endorso sa kandidatura ng batang Roxas.
Ayaw man ihayag o aminin ni Gov. Castro ang saloobin ay maliwanag sa kanyang ‘body language’ na ‘negative’ sa kanya ang endorsement sa batang Roxas ng mga kapwa politiko sa Capiz.
Nang malaman din ni Roxas na miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas ang makakatunggali ng anak na si Partylist Rep. Howard Guintu ay gumawa ito ng paraan para makapanumpa at maging miyembro ng PFP ang batang Roxas.
Si Guintu, isa sa batang henerasyon ng kongresista, ay matalik na kaibigan ni Norte Rep. Sandro Marcos at solidong sumusuporta kay Speaker Martin Romualdez na nauna nang nag-file ng Certificate of Candidacy bilang opisyal na kandidato ng PFP na nakaalyansa sa administration party.
Ginamit din ni Roxas ang kaibigan at dating party mate sa Liberal na si Iloilo Gov. Toto Defensor, PFP regional chairman, sa hangaring mabingwit ang nomination ng partido para maging opisyal na kandidato ang anak sa kongreso.
Subali’t hindi nakuha ni Roxas ang nominasyon ng PFP sa kabila ng pakiusap sa mga opisyal ng Malacañang at sa unang pamilya kaya tinatarget daw na kausapin ay si Speaker Romualdez.
Masungkit lang ang nominasyon ng anak ay nakalimutan ni Roxas ang pangyayari sa kasagsagan ng bagyong Yolanda kung saan narinig kay Mar na sinabing “You are a Romualdez and the president is an Aquino”.
Usap-usapan din sa buong Capiz na ‘di bale nang tawaging “balimbing” makuha lang ang ‘yes’ ni Romualdez para mahirang na official bet ng administrasyon ang anak.
Sa mahabang panahon ay namayagpag sa kasikatan pero ngayo’y tila humulas na ang ‘asim’ ni Roxas sa pulitika at patunay ang “dedma attitude” ng mga dating kaalyado.