
KAHAPON, tinalakay natin ang pagiging kulelat ng Pinas sa paggawa ng mga sariling armas pandigma kumpara sa ibang mga bansa sa Asya.
Napakalayo na ang narating ng mga bansang China, North Korea, South Korea, Singapore, Indonesia, Vietnam at Thailand.
Nakaimbento o nakapag-innovate na sila ng mga armas panlupa, panghimpapawid at pandagat, maging sa giyerang cyber, atakeng kemikal at radiological.
Kaugnay nito, wala pa tayong nababalitaang may gayong tagumpay ang Pilipinas.
Ngunit mula sa mga araw na ito, magbabago na kaya ang ating kalagayang kulelat?
BAGONG BATAS PAG-ASA
Nitong nagdaang mga araw, nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act (RA) No. 12024 o Self-Reliant Defense Posture Revitalization Law.
Iniaatas ng batas ang pagsasama-sama ng lahat ng industriya at indibiduwal para makabuo ng mga armas pandigma o pangdepensa para sa lupa, dagat at kalangitan at depensa laban sa cyber attack, chemical attack at radiological threats.
Hindi pupwedeng sa ibang bansa na lang umasa ang Pilipinas ukol sa mga bagay na ito gaya ng nagaganap noon pa.
May kakayahan ang mga Pinoy na gumawa ng lahat ng bagay na ito bilang depensa laban sa mga dayuhang nais maghari sa bansa.
DIWANG PANDAY PIRA
Naalaala tuloy natin si Panday Pira na nadatnan ng mga sinaunang Kastila sa Pilipinas.
Ayon sa mga historyador, isang Muslim na panday si Pira na ipinanganak noong 1488 sa Mindanao.
Ngunit bata pa lang, nasa Maynila na siya hanggang sa magtayo ito ng isang pandayan ng kanyon sa tabi ng Pasig River na sakop ni Rajah Sulayman.
Dahil sa ganda ng mga kanyon na gawa ni Panday Pira, pinagawa siya ni Rajah Sulayman para sa proteksyon ng kanyang kaharian.
Nang umatake ang mga pwersa ni Miguel Lopez de Legazpi sa Maynila, kasama ang mga tauhan niyang pinamumunuan ni Martin de Goiti noong 1570, lumaban sina Rajah Sulayman gamit ang mga kanyong gawa ni Panday Pira ngunit natalo sina Sulayman at Pira dahil sa rami ng mga Kastila at Pinoy na kasama ng mga ito.
Kinumpiska nila maging ang mga kanyon at pagkatapos suriin ang mga ito, nakita nilang higit na malalakas at matitibay ang mga ito kumpara sa mga gamit nila.
Kaya naman, si Panday Pira na ang pinagawa nila ng mga kanyon at binigyan ito ng mga parangal at pribilehiyo ng mga Kastila hanggang iwan nito ang kanyang imbensyon nang mamatay siya sa edad 88 noong 1576.
Ipinagpatuloy ng mga Kastila, gamit ang mga panday naman na taga-Mexico, ang gawang kanyon ni Panday Pira.
Matapos palang matalo sina Rajah Sulayman at Panda Pira kina Legazpi at De Goiti, tumakas at nagpanday si Panday Pira ng mga bakal na pang-araro, kutsilyo at itak sa Bulacan at Pampanga at tinuruan ang mga magsasaka roon ng paggawa ng mga ito.
Paano kaya ilakip ng mga Pinoy ngayon ang diwa ng pagiging panday at siyentista ni Panday Pira kaugnay ng bagong batas sa depensa ng Pinas?