Home NATIONWIDE Asteroid na kayang sumira ng lungsod, may 1.6% chance na tumama –...

Asteroid na kayang sumira ng lungsod, may 1.6% chance na tumama – NASA

UNITED STATES – Namataan ang isang asteroid na may higit isang porsyentong tsansa na tumama sa mundo sa susunod na walong taon.

Ayon sa NASA, ang asteroid ay may laki na katulad ng isang football field at posibleng magdulot ng malawakang pinsala sa lungsod na babagsakan nito.

Bagamat hindi pa nangangamba ang mga eksperto, patuloy naman nila itong minomonitor.

“At this point, it’s ‘Let’s pay a lot of attention, let’s get as many assets as we can observing it,'” ani Bruce Betts, chief scientist ng Planetary Society.

Ang 2024 YR4 ay ang asteroid na unang namataan noong Disyembre 27, 2024 ng El Sauce Observatory sa Chile.

Batay sa liwanag nito, mayroon itong tinatayang laki na 130 hanggang 300 feet o 40 hanggang 90 na metro ang lapad.

Pagsapit ng Bagong Taon, ang ulat na ito ay nakarating kay Kelly Fast, acting planetary defense officer ng US space agency na NASA, at tinukoy bilang object of concern.

“You get observations, they drop off again. This one looked like it had the potential to stick around,” ani Fast.

Patuloy na umaangat ang risk assessment at nitong Enero 29 ay nag-isyu ng memo ang International Asteroid Warning Network (IAWN), isang global planetary defense collaboration.

Sa pinakahuling kalkulasyon ng Jet Propulsion Laboratory ng NASA, mayroong 1.6 percent na tsansang ang asteroid ay tatama sa mundo sa Disyembre 22, 2032.

Kung ito ay tatama, posibleng maging impact site nito ang eastern Pacific Ocean, northern South America, Atlantic Ocean, Africa, Arabian Sea, at South Asia.

“The odds are very good that not only will this not hit Earth, but at some point in the next months to few years, that probability will go to zero,” sinabi naman ni Betts. RNT/JGC