Home METRO Sanggol patay sa pneumonia sa Kanlaon evacuation center

Sanggol patay sa pneumonia sa Kanlaon evacuation center

MANILA, Philippines – Patay ang isang siyam na buwang gulang na sanggol sa isang evacuation center sa mga residenteng lumikas sa pagputok ng Bulkang Kanlaon sa La Castellana, Negros Occidental.

Ayon kay Dr. Girlie Pinongan, provincial health officer, ang sanggol ay mula sa Barangay Cabagnaan, La Castellana na nagtamo ng septic shock dahil sa sepsis secondary to community acquired pneumonia sa isang ospital noong Enero 25.

Ang sanggol ay nagkaroon ng ubo at pabalik-balik na lagnat limang araw bago ito dalhin sa ospital.

Sumailalim ito sa private consultation at binigyan ng antibiotics.

Sa kabila nito, napansin ng municipal health officer na matindi ang dehydration na naranasan ng sanggol ilang oras ito bago dalhin sa ospital.

Nasawi ang sanggol habang ito ay nasa isang ospital sa Isabela, Negros Occidental.

Siya ang ikalawang sanggol na namatay sa evacuation center para sa Kanlaon evacuees sa La Castellana.

Ang una ay ang siyam na buwang gulang na sanggol noong Pasko na namatay dahil sa cardiopulmonary arrest dahil sa “acute gastroenteritis with severe dehydration.”

Siniguro naman ni Dr. Razel Nikka Hao, regional director ng Department of Health-Negros Island Region, na may sapat silang suplay ng gamot sa mga evacuation center. RNT/JGC