MANILA, Philippines – Nilinaw ng Land Bank of the Philippines (Landbank) nitong Huwebes, Hunyo 19 na hindi pa pinal ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nag-aatas sa Department of Agrarian Reform (DAR) at sa bangko na magbayad ng P28.49 bilyon bilang just compensation sa Hacienda Luisita Inc. (HLI), kaugnay ng pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryong magsasaka.
Ayon sa Landbank, “The CA decision is not yet final and executory. A Motion for Reconsideration was filed by the DAR in May 2025 and is awaiting resolution.”
Dagdag pa nila, kapag hindi pinaboran ang mosyon, maaaring dalhin ng DAR ang kaso sa Korte Suprema.
Batay sa 35-pahinang desisyon ng CA, mali umano ang pagkalkula ng Regional Trial Court–Special Agrarian Court ng Tarlac City sa kabuuang halaga ng kabayaran. Iginiit ng CA na ang bayad ay dapat “real, substantial, full, ample, just and fair,” ayon sa Section 17 ng Comprehensive Agrarian Reform Law.
Ayon sa desisyon ng CA: “Respondents are ordered to pay petitioner the total amount of P28,488,944,278.71 as just compensation as of 30 April 2025, without prejudice to the accrual of interest until fully paid.”
Nilinaw din ng Landbank na tinanggal na sila bilang respondent sa kaso base sa desisyon ng CA noong Abril 30, 2024.
Dagdag nila, ang nasabing halagang babayaran ay manggagaling sa Agrarian Reform Fund (ARF) na pagmamay-ari ng National Government at pinangangasiwaan ng DAR. Ang papel ng Landbank ay tagapamahala ng pondo at tagapagpatupad ng disbursement instructions mula sa DAR.
Matatandaang noong Nobyembre 2011, nagpasya ang Korte Suprema sa botong 14-0 na ipamahagi ang halos 5,000 ektarya ng lupa ng Hacienda Luisita sa humigit-kumulang 6,000 magsasaka.
Sa desisyon, binawi ng SC ang opsyong manatili bilang stockholder ng HLI ang mga benepisyaryo, kabilang ang mga miyembro ng Ambala at FARM.
Pinagtibay ng SC ang nasabing desisyon noong Abril 2012.
Mahigit anim na dekadang nasa kontrol ng pamilya nina dating Pangulong Corazon Aquino at Benigno Aquino III ang Hacienda Luisita bago ipinag-utos ng Korte ang ganap na pamamahagi nito sa mga manggagawang bukid. RNT/JGC