Home NATIONWIDE TNVS driver huli sa panggagahasa ng pasahero

TNVS driver huli sa panggagahasa ng pasahero

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang isang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) driver sa Cainta, Rizal dahil sa reklamong panggagahasa sa isa sa mga naging pasahero nito.

Sa report, ang insidente ay nangyari umano alas-3 ng madaling araw ng Linggo, Hunyo 15, sa southern Metro Manila nang makatulog ang biktima sa biyahe.

“Nagulat siya nung magising siya, the vehicle was already on stop mode tapos nakapatong na sa kanya ‘yung driver,” ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

“She struggled to extricate herself from the lewd acts of the driver, sinuntok siya sa sikmura nanghina siya,” dagdag pa ng ahensya.

Nakakuha ng tiyempo ang biktima na makatakas nang pumunta ang TNVS driver sa harap ng sasakyan para may kunin.

Naiwan ng biktima ang bag nito kasama ang mobile phone.

Sa live line-up ng mga suspek, positibong kinilala ng biktima ang gumawa ng masama sa kanya.

Samantala, isinuko ng kaanak ng suspek ang ilang mobile phone na itinago ng drayber.

“Humihingi ako ng tawad. Syempre tao rin po ako, nadadala sa tukso,” ayon naman sa drayber.

Sinabi ni NBI-National Capital Region director Ferdinand Lavin na, “We will be furnishing the Land Transportation Office the results of our investigation for any punitive action against the driver.”

“This is a way forward for all of us to protect the commuting public,” dagdag pa. RNT/JGC