MANILA, Philippines – Nakatakdang imbitahan ng House Committee on Human Rights ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at aktres na si Gretchen Barretto sa pagsisiyasat nito sa pagkawala ng 34 na sabungero, matapos silang akusahan na sangkot sa umano’y pagdukot ng mga ito.
Ayon kay committee chairman at Manila Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr., hihilingin ang negosyante at ang aktres na dumalo sa pagtatanong, kasama ang magkapatid na Patidongan na nag-akusa sa kanila, at 18 pulis na iniulat na sangkot sa kaso.
“I believe so. Later on, papatawag din natin siya sapagkat he (Ang) was charged for murder, even I think Gretchen Barretto,” aniya.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Abante sa kung paano isinasagawa ang imbestigasyon ng gobyerno, na binanggit ang kakulangan ng mga kaso na inihain sa mga korte.
“No, I’m not happy… In fact, I told them… because look, the DOJ (Department of Justice) is investigating, the CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) is investigating, the Napolcom (National Police Commission) is also investigating, but so far, none has been charged in court,” saad niya.
“And one more thing. Even if the forensics of the Philippine National Police uncovered 401 human bones (in Taal Lake where the sabungeros’ bodies were allegedly disposed of), they have not actually given us any DNA match of the missing sabungeros. So sabi ko, e kung walang ganong bagay, ‘di walang kaso. Walang kaso,” dagdag niya.
Iniugnay sina Ang at Barretto sa mga nawawalang sabungero ni Julie “Dondon” Patidongan na nagsabing patay na ang mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Patidongan na si Ang ang utak sa likod ng mga nawawalang sabungero. Sinabi niya sa mga awtoridad na mahigit 100 katao ang dinukot, pinatay, at ang kanilang mga labi ay itinapon sa Taal Lake.
Nagsampa ng reklamong pagpatay ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero noong unang bahagi ng buwan laban kina Ang, Barretto, at dating hepe ng National Capital Region Police Office na si retired Police General Jonnel Estomo, na pawang itinanggi ang pagkakasangkot.
Nauna nang sinabi ni Ang na handa siyang harapin ang mga reklamo sa pagpatay at serious illegal detention. Nagbanta rin aniya si Patidongan at isa pang dating empleyado na idawit siya kapag tumanggi siyang bigyan sila ng P300 milyon.
Samantala, tiyak na itinanggi rin ng kampo ni Barretto ang pagkakasangkot sa usapin, at isa lamang siya sa 20 namumuhunan sa mga operasyon ng e-sabong, na ikinategorya bilang ‘alpha members’. Sinabi ng kanyang abogado na may mga katulad na banta ng pangingikil laban sa kanya. RNT/MND