MANILA, Philippines – Nagsumite na ng counter affidavit si Charlie “Atong” Ang sa Department of Justice, Biyernes ng hapon, Oktubre 17 kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Atty. Gabriel Villareal, legal counsel ni Ang na inihain ang kontra-salaysay ng kanyang kliyente sa National Prosecution Service sa DOJ.
Ayon pa kay Villareal, ginawa nila ng mas maaga ang paghahain ng kontra-salaysay upang maiwasan ang kaguluhan sa pagdinig lalo pa’t mahigit 61 ang mga respondents sa kaso.
Kabilang sa nakapaloob sa counter affidavit ni Ang ang denial o pagtanggi sa pitong (7) kaso na inihain laban sa kanya — ang kidnapping, murder, forced disappearance, direct bribery at passport tampering.
Nakapaloob din ang mahahalagang ebidensya kabilang ang video na nagpapakita umano kay “Don Don” na kasama ang isa sa mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Villarreal, umaabot sa labing-walong pulgada ang kapal ng counter affidavit at may kasamang USB file ng mga ebidensya.
Inurong ng DOJ ang hearing mula Nobyembre 3 patungong Oktubre 21 upang mapabilis ang proseso. Jocelyn Tabangcura-Domenden