Home NATIONWIDE Bulkang Taal 12 araw nang niyayanig ng volcanic quakes

Bulkang Taal 12 araw nang niyayanig ng volcanic quakes

266
0

MANILA, Philippines – Patuloy na nakararanas ng pagyanig ang Bulkang Taal sa Batangas sa loob ng 12 sunod-sunod na araw, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes, Oktubre 17.

Sa pinakahuling bulletin, iniulat ng ahensya na tatlong volcanic earthquakes ang naitala sa nakalipas na 24 oras, kasabay ng tuloy-tuloy na volcanic tremor na nagsimula bandang 2:47 p.m. noong Huwebes.

Nilinaw ng Phivolcs na ang naturang tremor ay hindi pa dapat ikabahala, bagama’t patuloy ito ng higit isang araw.

Naitala na ng ahensya ang serye ng volcanic quakes sa Taal simula Oktubre 6.

Mula Oktubre 1 hanggang 17, nakapagtala ang Phivolcs ng 181 volcanic earthquakes at limang tremor episodes.

Sa nakaraang buwan ng Setyembre, umabot ito sa 189 volcanic quakes at 129 tremors.

Apat sa mga tremor ay naitala kasabay ng phreatic at phreatomagmatic eruptions noong Oktubre 2.

Paliwanag ng Phivolcs, ang mga volcanic earthquake ay bunga ng magmatic o magma-related processes sa ilalim o paligid ng bulkan, habang ang volcanic tremors ay mga tuloy-tuloy na seismic signals na may mababang frequency.

Sa pinakahuling obserbasyon, wala pang naitalang pagbuga ng mainit na likido sa crater lake ng Taal Volcano Island, at walang naobserbahang volcanic smog o “vog.”

Muling iginiit ng Phivolcs na nananatili sa Alert Level 1 ang Taal, na nangangahulugang “abnormal condition” pa rin ito at hindi dapat ipakahulugang ligtas na o tapos na ang banta ng pagputok. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here