MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad ng Pilipinas sa Vietnamese counterpart nito para beripikahin ang intelligence reports na nagsasabing si Atong Ang ay nasa Vietnam.
“Si Atong Ang ang latest balita namin nasa Vietnam,” sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes, Abril 7.
“Gumagawa kami ng diplomatic efforts para kausapin ‘yung counterparts namin doon para tignan ‘yung immigration record nila kung nandoon talaga,” dagdag pa niya, sa panayam ng DZBB.
Ani Remulla, ang Pilipinas ay may extradition treaty sa Vietnam.
“Kausap na nila Chief PNP ang mga counterparts nila so malalaman natin ang resulta,” aniya.
Sinabi ng opisyal na posibleng umalis si Ang sa Pilipinas sa pamamagitan ng backdoor sa Mindanao patungong Malaysia ilang linggo bago ang paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya.
“I think sa backdoor siya dumaan noong i-a-announce na aarestuhin na siya. Doon siya sa Mindanao papuntang Malaysia. Tapos umabot siyang Vietnam. Mga two weeks before nakaalis na via backdoor,” sinabi ni Remulla.
Matatandaan na inilabas ang arrest warrants laban kay Ang at iba pa na nag-ugat sa patong-patong na kaso ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Humiling ang mga awtoridad ng Pilipinas ng paglalabas ng Interpol red notice laban kay Ang.
Ang red notice ay hiling sa law enforcement sa buong mundo na tuntunin at arestuhin ang isang tao pending extradition, surrender, o kaparehong legal na aksyon. RNT/JGC