Home LIFESTYLE HEALTH Australia, nakapagtala ng unang kaso ng H5 bird flu

Australia, nakapagtala ng unang kaso ng H5 bird flu

1
0

SYDNEY, Australia – Kinumpirma ng Australia ang unang kaso ng H5 strain ng bird flu sa bansa, dahilan upang kumalat na ang nakahahawang sakit sa lahat ng kontinente ng mundo.

Ayon kay Australian Agriculture Minister Julie Collins, natukoy ang virus sa isang migratory sea bird na brown skua sa isang liblib na bahagi ng Western Australia. Positibo rin umano sa paunang pagsusuri ang isa pang ibon na giant petrel na natagpuan sa parehong lugar.

Dati, ang Australia na lamang ang natitirang kontinente na walang naitatalang kaso ng H5 bird flu.

“Whilst disappointing, this is not unexpected, given the global spread of the H5 bird flu,” ani Collins.

Gayunman, sinabi niyang wala pang ebidensiya ng malawakang pagkamatay ng mga ibon o impeksiyon sa mga poultry farm sa ngayon.

“I can confirm there is still no evidence of any mass mortalities at this time, nor is there any evidence of infection in any poultry,” dagdag niya.

Dahil dito, nagpulong na ang mga opisyal ng animal health at agriculture upang pag-usapan ang magiging pambansang tugon sa sitwasyon.

Sinabi naman ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na nakababahala ang pagpasok ng sakit sa bansa, ngunit handa ang pamahalaan na gumawa ng mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat nito.

Malaki ang pangamba ng mga eksperto dahil maaaring maapektuhan ang mga natatanging hayop ng Australia. Halos kalahati ng mga wild bird species at 83 porsiyento ng mga mammal sa bansa ay hindi matatagpuan saanman sa mundo.

Ayon kay Threatened Species Commissioner Fiona Fraser, may plano ang pamahalaan na protektahan ang 35 species sa pamamagitan ng pagpapalakas ng captive breeding programs. Kabilang sa mga nanganganib ang Tasmanian devil, black swan, little penguin, at Australian sea lion.

Ang kumpirmadong kaso ay natukoy sa isang ilang na lugar na nasa 630 kilometro timog-silangan ng Perth. Iniimbestigahan pa kung ang virus ay dinala ng mga migratory bird mula sa sub-Antarctic region.

Noong nakaraang linggo, iniulat din ng mga siyentipiko na mahigit 13,000 elephant seal pups ang namatay matapos tamaan ng H5 bird flu sa Heard at McDonald Islands, isang teritoryo ng Australia sa sub-Antarctic. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here