Home HOME BANNER STORY Auto shop na nilusob ng BOC sa 44 luxury cars, dumipensa: Walang...

Auto shop na nilusob ng BOC sa 44 luxury cars, dumipensa: Walang kaugnayan sa POGO bosses

MANILA, Philippines – Itinanggi ng auto shop sa Taguig na nilusob ng Bureau of Customs dahil sa pagtatago ng 44 luxury cars, na wala silang anumang tungkulin sa importation at pagtatago ng mga sasakyan.

Nilinaw ng Auto Vault Speed Shop na ang ginagawa lamang nila ay detailing at maintenance services.

“Auto Vault is not engaged in the importation or sale of motor vehicles…. Auto Vault is engaged in providing quality car service detailing and maintenance,” sinabi ng legal counsel ng auto shop na si Julius Otsuka.

Sinabi naman ni CIIS-MICP Station Chief Alvin Enciso na kailangang magpakita ng shop ng mga dokumento na magpapatunay na ang 44 luxury cars ay naroon lamang para sa maintenance.

“Para di ho sila maging liable or hindi sila makasuhan, kailangan maipakita po nila any document po na nagpapatunay na mga sasakyang nandito ay either pinagawa, pinadetail o pinaparada,” ani Enciso.

Matatandaan na sinabi ng BOC na ang shop ay kabilang sa mga establisyimento na nagtatago ng mga luxury car ng POGO bosses na umalis na sa bansa, sa halip na ibenta ito sa murang halaga, ayon sa intelligence report.

Kabilang sa mga nasabat ng team ay ang dalawang unit ng Ferrari 488, dalawang unit ng Mercedes Benz C Class, at tig-iisang unit ng McLaren 720S, Rolls Royce Cullinan, Maserati Levante, Lamborghini Huracan, BMW M3, Dodge RAM, Ferrari 488, Ford Everest, Ford Mustang, GMC Yukon Denali, Honda Civic SIR, Honda S2000, BMW M2, Land Rover, Land Rover Range Rover Autobiography, Lexus LBX, Lexus LX570, BMW I4, Mazda Miata, Audi A1, Mercedes Benz AMG SLK, Mercedes Benz G Wagon Brabus, Mercedes Benz G63, Mercedes Benz GLE450, Mitsubishi Lancer, Porsche 911 Turbo S, Porsche 997 Carrera, Porsche 993 Turbo, Porsche 911 Turbo, Porsche Cayenne, Porsche Cayman, Porsche GT3, Porsche GT3 RS, Porsche GT3 Touring, Porsche Turbo, Toyota Seqouia, Toyota Corolla, Cross, Toyota Land Cruiser Prado, Toyota Land Cruiser VX.R.

Bibigyan ng BOC ang may-ari ng mga sasakyan ng 15 araw para ipakita ang proof of payment ng pagbabayad ng tamang duties at taxes.

Siniguro naman ng Auto Vault Speed Shop na makikipagtulungan sila sa BOC at sa nagpapatuloy na imbestigasyon. RNT/JGC