Home HOME BANNER STORY Pagpapaliban ng BARMM elections pirmado na ni PBBM

Pagpapaliban ng BARMM elections pirmado na ni PBBM

MANILA, Philippines – NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na magpapaliban sa unang general elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Oktubre 13, 2025.

Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang nasabing pagpapaliban sa unang regular na halalan sa BARMM na nakatakda sanang gawin sa Mayo 12, 2025.

Matatandaang, sinertipikahan bilang urgent bill ni Pangulong Marcos ang batas para ipagpaliban ang halalan sa BARMM.

Kabilang sa mga dahilan kung bakit ginawa ito ay ang isyu sa hindi pagkakasama ng Sulu sa BARMM, ang hindi pa nareresolbahang petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng Bangsamoro Electoral Code of 2023, at ang hiling ng Commission on Elections (Comelec) na bigyan sila ng karagdagang panahon para paghandaan ang eleksiyon sa naturang rehiyon.

Sa kabilang dako, sinabi ni Commission on Elections (Comlec) chairman George Erwin Garcia, mula sa orihinal na iskedyul na May 12, ang parliamentary polls ay itinakda na ito sa October 13, 2025.

”Para po sa inyong kaalaman….I was informed by Malacanang earlier that the president already signed the bill postponing the Bangsamoro parliamentary elections from May to October 13 of this year, meaning to say, may isa nanamang eleksyon na separate ang pagho-hold ng Comelec, and take note one month after the Barangay and SK elections naman,” ayon kay Garcia.

Nagbigay naman ang komisyon ng kopya ng dokumentong nilagdaan ng Pangulo sa na may petsang Pebrero 19, 2025, muling itinakda ang unang regular elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa pamamagitan ng Republic Act 121231, inamiyendahan ang Article XVI of R.A. 11054 o ang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“Gusto naming malaman, paano yung distribution nung pito na parliamentary seats na dati ay originally nasa Sulu, paano idi-distribute yun? Very imporatant sa amin yun sapagkat gusto namin alamin – mag-o-open ba kami ng filing ng certificates of candidacy sa buong Bangsamoro o doon lamang sa mga maapektuhan ng mismong tinatawag na distribution ng pitong seats,” ayon kay Garcia.

Muli ay binigyang diin ni Garcia ang pangangailangan para sa P2.5 billion budget para sa pagsasagawa ng special election para sa Bangsamoro parliament.

“Kinakailangan naming matingnan saan namin kukuhanin at paano mabibigay sa amin ang P2.5 billion na kakailanganin namin para mag-conduct ng parliamentary election sa Bangsamoro,” dagdag na wika ni Garcia.

Ang pagsasagawa ng Bangsamoro parliamentary polls ay magiging ‘automated’.

“Ang Bangsamoro parliamentary election ay automated election, we’re hoping para lang alam ng lahat na yung sa balota na i-imprenta namin sa Bangsamoro nandiyan ang lahat ng pictures ng mga kandidato, yung mismong logo ng mga political parties na pagpipilian ng mga kababayan natin sa Bangsamoro,” litanya ni Garcia. Kris Jose