Home OPINION AWTOMATIKONG ARESTO BAGO IMBESTIGASYON

AWTOMATIKONG ARESTO BAGO IMBESTIGASYON

212
0

DAPAT nakatuon ang imbestigasyon ng pulisya sa mismong lugar ng insidente sa Light Railway Transit-1 sa Quezon City kung saan nahulog ang isang 23-anyos na estudyante, sa halip na agad pagtuunan ng pansamantalang pag-aresto ang driver ng jeepney na nakasagasa sa biktima. Ang naturang insidente sa LRT-1 ay nagresulta sa pagkamatay ng estudyante matapos itong mahulog mula sa mataas na bahagi ng istasyon at tumama sa dumaraang sasakyan sa EDSA.

Umani ng reaksyon mula sa publiko ang unang pahayag ng isang opisyal na nagsabing posibleng maharap sa kaso ang driver. Maraming netizen ang pumuna sa tila pananakot na tono ng pahayag, lalo’t hindi pa malinaw ang kabuuang pangyayari.

Kalaunan, lumabas sa pagsusuri ng CCTV at imbestigasyon ng pulisya na walang nakitang kapabayaan sa driver. Pinalaya rin ito matapos ang standard procedure, at nagpahayag ang pamilya ng biktima na hindi na magsasampa ng kaso.

Ang pangyayari ay nagbukas ng panawagan para sa muling pagrepaso sa mga umiiral na polisiya sa paghawak ng mga aksidenteng may nasawi. Sa kasalukuyang sistema, karaniwang dinadala sa kustodiya ang driver kahit sa paunang ebidensiya ay malinaw na wala itong kasalanan. Iminumungkahi ng ilang sektor na dapat mauna ang masusing imbestigasyon bago ang anumang hakbang na maaaring magdulot ng dagdag na pasanin sa isang inosenteng motorista.

Sa naturang insidente, malinaw na nagsimula ang trahedya sa pagkahulog ng biktima mula sa elevated platform ng istasyon at isa itong sitwasyong wala sa kontrol ng driver. Gayunman, nadala pa rin ito sa presinto bilang bahagi ng routine procedure. Sa huli, pinakawalan din ang motorista dahil walang nakitang paglabag at wala ring reklamong isinampa ang pamilya.

Ipinunto ng ilang tagamasid na kung magiging kasing bilis at determinasyon ang aksyon ng mga awtoridad sa ganitong mga kaso gaya ng ipinapakitang imbestigasyon sa mga isyu ng flood control at iba pang anomalya sa pamahalaan, mas mapabibilis ang paglilinaw at mas maibabalik ang tiwala ng publiko. Ang mabilis, malinaw, at patas na imbestigasyon ay mahalaga upang maiwasan ang haka-haka at maling paghusga.

Hindi dapat maging mekanikal ang pagpapatupad ng batas. Ang bawat insidente ay may natatanging pangyayari na kailangang suriin nang maayos. Ang pagrepaso sa mga protocol ay makatutulong upang maprotektahan ang pamilya ng biktima, ang motorista, at ang publiko.

Ang malinaw na patakaran at mabilis na aksyon ang magtitiyak na ang hustisya ay naipatutupad nang patas at naaayon sa ebidensya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here