MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ayuda para sa overseas Filipino workers (OFWs) na hindi makabalik sa kanilang trabaho sa Middle East dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na patuloy pa nilang tinutukoy ang eksaktong bilang ng mga OFW na apektado ng sitwasyon.
“Gumagawa pa tayo ng talaan kung sino yung mga hindi makapanumbalik,” sabi ni Cacdac.
Ayon sa kalihim, kabilang sa mga sektor na apektado na ang hospitality, transport, restaurant, at construction, kaya pinapayuhan muna ng gobyerno ang ilang manggagawa na huwag tumuloy kung wala rin naman silang babalikan na trabaho sa abroad.
“Galing din ako sa Middle East at mayroon talagang mga sektor na apektado: hospitality sector, transport, restaurant, pati construction nga. So sila muna ang inaabisuhan natin, huwag muna magpatuloy kung wala naman dadatnan na mga trabaho sa abroad,” dagdag niya.
Sinabi ni Cacdac na mula pa lamang sa unang araw ng krisis ay tumutulong na ang pamahalaan sa mga OFW na hindi makaalis o hindi makabalik sa kanilang trabaho.
Kabilang sa mga hakbang na inilulunsad ng gobyerno ang Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa program, na layong magbigay ng financial aid at suporta para sa livelihood o business opportunities.
“Sinabi naman natin na since Day 1 tinutulungan natin yung mga hindi maka-alis… Kaya tayo ay nagbibigay ng tulong para sa mga OFWs. Itong ating pondong pinansyal, tutulungan natin sila kung hindi muna sila makaalis,” ani Cacdac. Dave Baluyot