Home NATIONWIDE ‘Ayuda’ programs ng pamahalaan pinarerebyu sa Palasyo vs korapsyon

‘Ayuda’ programs ng pamahalaan pinarerebyu sa Palasyo vs korapsyon

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na napapanahon na upang pangunahan ni Pangulong Marcos ang pag-rationalize sa lahat ng cash assistance programs para sa mahihirap at marginalized sector upang masugpo ang korapsyon at tanggalin ang politika sa sistema ng pamamahagi.

Sinabi ni Pimentel na pinondohan ang financial assistance program ng pambansang badyet kaya nararapat lamang na matiyak na mapupunta sa tunay na mahihirap ang benepisyo at iwasan na magkaroon ng politika sa pamamahagi nito.

“Kelangan may rationalization para mas marami ang mabigyan, ayon kay Pimentel sa isang panayam.

“May mga leakages , at parang masyadong marami tayong gusto gawin, di mo pa naangaat yung pinaka-mahirap. Dapat concentrate tayo, sa 4Ps…the poorest of the poor,” giit ni Pimentel.

Programa ni yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang 4Ps na ibig sabihin ay Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isang conditional cash transfer program ng pamahalaan na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kabilang sa pinunan ni Pimentel ang inilusot ng Kamara, ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP)—isang item sa badyet na bigla na lamang lumitaw sa bicameral committee report sa 2024 national budget—na hindi kailangan sa government assistance programs.

“Bigla na lang lumabas sa bicam; pero tulong ito sa meron nang kita. May suweldo na,” wika ni Pimentel.

“Bakit hindi natin tulungan yung walang kita at i-review natin itong minimum wage kasi baka ito rin ang problema,” paliwanag niya.

“Yung pinaka-logic is tulungan muna yung pinaka mahihirap natin,” ayon pa sa senador.

Kaya aniya, mahalaga para sa Pangulo na manguna ang kanyang administrasyon na pagrebyu ng umiiral na poverty alleviation programs.

“Dapat merong over-all na sa Executive branch nakatingin dyan, tinitingnan niya dapat, ano ba itong ating mga ayuda programs? May target tayo.. wag tayo masyado maging ambisyoso na tulungan na natin yung mga nakatayo dyan at naglalakad…Tulungan dapat natin yung mga di makatayo,” ayon kay Pimentel.

“Kasama na dapat Presidente mismo (sa review).. ang budget kasi starts with the President, the executive branch, led by the President. Upuan na nila yan,” pahayag pa ng senador.

“Akala ko ba meron presidential adviser on poverty alleviation? O yan. Nasaan yung mga idea nya? Di naman yun bobo di ba? Dapat ilabas na niya yung katalinuhan niya, kung papano natin ira-rationalize yan,” giit ni Pimentel. Ernie Reyes