MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes ang komprehensibong financial at welfare assistance sa 17 Filipino seafarer na pinalaya ng mga rebeldeng Houthi sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang departamento, sa pakikipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang tanggapan ng gobyerno, ay magbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga marino at kanilang pamilya.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Cacdac sa Sultanate ng Oman pati sa lahat ng ahensya ng gobyerno, private partners at international entities para sa kanilang matagumpay na pamamagitan na naging bunsod ng pagpapalaya sa 17 Filipino seafarers.
Pinasalamatan din ng kalihim ang pamilya ng seafarers para sa kanilang pagtitiwala sa gobyerno ng Pilipinas, na ayon kay Cacdac ay nagpalakas sa pagsisikap ng kagawaran na patuloy na magtrabaho para sa kanilang pagpapalaya.
Sinabi ng DMW na magbibigay ito ng financial aid na P75,000 mula sa Aksyon Fund nito sa bawat isa sa 17 seafarers, kabilang ang tulong-medikal, welfare at psychosocial assistance.
Magkakaloob din ng livelihood at investment training sa mga OFWs ang DMW sa pamamagitan ng National Reintegration Center.
Sinabi rin ni Assistant Secretary for Sea-based OFW Concerns Jerome Pampolina, na ang OWWA ay magbibigay din ng hiwalay na financial aid habang ang Department of Health at ang Department of Social Welfare and Development ay magpapaabot din ng iba pang tulong. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)