Home METRO Ayudang manggagaling sa kandidato bawal – Comelec

Ayudang manggagaling sa kandidato bawal – Comelec

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Election (Comelec) na bawal ang ano mang uri ng ayuda na manggagaling mula sa mga kandidato dahil isang uri umano ito ng vote buying at ipinagbabawal ito ng batas.

Ayon kay Atty. Jan Ale Fajardo, Election Officer lV ng Comelec QC, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng ayuda ng mga elected official na kinabibilangan ng AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation), 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program), Tupad (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) sa kanilang mga constituents.

Sa ginanap na QC Journalist Forum sa QC City Hall nitong Martes, sinabi ni Fajardo na ang pagbibigay ng ayuda ngayong panahon ng eleksyon ay isang uri ng vote buying at labag sa batas.

“Any form of vote buying para paboran ang isang kandidato ay labag sa batas at mahigpit na ipinagbabawal,” sabi ni Fajardo.

Nabatid pa kay Fajardo na sa inilunsad na kampaya ng Comelec na Kontra Bigay, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng lahat ng uri ng ayuda para bigyan ng pabor ang isang kandidato.

Samantala, kaugnay nito, sinabi ni Police Col. Roman Arugay, Deputy District Director ng Quezon City Police District na aabot sa 29 indibidwal at 30 armas ang nakumpiska ng mga tauhan ng QC police mula January 12 hanggang February 18 kaugnay ng ipinatutupad na election ban para sa May 12 miderm election ngayong 2025.

Nabatid pa kay Arugay, na dalawa sa nahulihan ng baril ay sa isinasagawang checkpoint at ang 28 armas ay mga ginamit ng mga suspek sa krimen.

Sinabi ni Arugay na nasa green category naman ngayon ang QC o walang risk at banta sa lungsod kaugnay ng nalalapit na halalan.

Pabor din ang QCPD sa citizen’s arrest laban sa mga kandidato na maaaktuhang lumalabag sa kampanya ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa vote-buying at vote-selling, dagdag pa ni Col. Arugay. Santi Celario