MATAMIS na panalo ang nakamit ng Philippine men’s national football team sa unang pagsabak nito sa ikatlong round ng AFC Asian Cup 2027 Qualifiers matapos talunin ang Maldives, 4-1, sa kanilang makasaysayang laban sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac.
Sa ilalim ng paggabay ni Coach Albert Capellas, umangat agad sa tuktok ng Group A ang Azkals, tangan ang 1-0 record, bago harapin ang Tajikistan, Timor-Leste, at muling nakaharap ang Maldives sa double-round robin format na tatagal hanggang Marso 2026.
Hindi nag-aksaya ng oras ang home team nang agad na buksan ni Jefferson Tabinas ang iskor sa pamamagitan ng isang matikas na header sa ika-5 minuto, na nagbigay sa Azkals ng maagang 1-0 na kalamangan. Sinundan ito ng isa pang malakas na atake mula kay Bjorn Kristensen, na nagpatama ng isang right-footed strike mula sa loob ng penalty box sa ika-17 minuto, dahilan upang lumamang ang Pilipinas ng 2-0 bago matapos ang unang kalahati ng laban.
Naging agresibo ang Maldives pagsapit ng 2nd half, kung saan nakapagtala si Ali Fasir ng goal sa ika-62 minuto upang ibaba ang kalamangan ng Pilipinas sa 2-1. Subalit hindi ito nagtagal, dahil sa ika-77 minuto, itinuloy ni Randy Schneider ang kanyang maalamat na debut para sa Azkals nang isalpak ang kanyang unang goal para sa Pilipinas, na nagbigay muli ng mas komportableng 3-1 lead.
Bago tumunog ang final horn, sinelyuhan ni Sandro Reyes ang panalo matapos maisalpak ang huling goal sa ika-92 minuto, dahilan upang tuluyang wakasan ang laban sa 4-1 na tagumpay ng Pilipinas.
Samantala, muling haharap ang Azkals sa Tajikistan sa kanilang susunod na laban sa darating na Hunyo 10. GP