MANILA, Philippines – Arestado ang isang 27-anyos na babae matapos makuhanan ng P34.6 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Sitio Mustang, Barangay Pusok, Lapu-Lapu City nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 29.
Ang operasyon ay pinangunahan ng City Intelligence Unit (CIU) at City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO).
Kinilala ang suspek bilang si alyas “Lani,” residente ng Villagonzalo II, Barangay Tejero sa Cebu City. Siya ay ikinokonsiderang high-value individual (HVI).
Nakumpiska ng pulisya mula sa suspek ang nasa 5.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P34.680 milyon, na isinilid sa isang suitcase.
Nakuha rin mula sa kanya ang isang cellphone at sling bag.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Christian Torres, spokesperson ng LCPO, ang suspek ay isinailalim sa isang buwang intelligence surveillance.
Ang suspek din ay nagsisilbing “bodegero” at “kabayo” sa illegal drug operation.
Napag-alaman ng pulisya na kinukuha ng suspek ang kanyang mga illegal na droga mula sa indibidwal na kasalukuyang nakakulong sa Luzon.
Kasalukuyang naka-detain sa Lapu-Lapu City custodial facility ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC