RIZAL, Philippines – Isang hindi kilalang babae, na pinaniniwalaang may mental health issue, ang nalunod matapos tumalon sa lawa malapit sa Pritil Wharf sa Barangay Libis noong Martes ng gabi, Hulyo 29.
Ayon sa Binangonan Municipal Police Station, iniulat ang insidente dakong alas-10:06 ng gabi ng isang fish vendor mula sa Barangay Pila-Pila, na nakasaksi sa insidente.
Ayon sa saksi, nakita niya ang babae na nagsusuka malapit sa pantalan bago siya tahimik na naglakad patungo sa lawa at tumalon sa tubig.
Agad siyang humingi ng tulong sa kanyang mga kapwa vendor at miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa malapit.
Agad na naglunsad ng rescue operation ang PCG, ngunit napilitang ihinto ang paghahanap dahil sa masamang lagay ng panahon.
Ipinagpatuloy ang paghahanap dakong alas-7 ng umaga noong Miyerkules, Hulyo 30, kung saan nakuha ang bangkay ng babae mula sa lawa.
Inilarawan ng mga awtoridad ang biktima na nasa pagitan ng 25 at 35 taong gulang, humigit-kumulang 4’10” hanggang 5’1” ang taas, at kulot ang buhok na hanggang balikat. Nakasuot siya ng dilaw na sando at black-and-white shorts.
Sinabi ng vendor sa pulisya na ang babae ay nakita sa lugar sa loob ng halos apat na araw bago ang insidente at pinaniniwalaang may mga palatandaan ng sakit sa pag-iisip.
Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng biktima. Nananawagan naman ang mga awtoridad sa sinumang makakakilala sa biktima o may kaukulang impormasyon ay makipag-ugnayan sa Binangonan police. RNT/MND