Home METRO Babae lumipad sa bus, patay

Babae lumipad sa bus, patay

NAGA CITY- Patay ang isang babaeng pasahero ng bus habang sugatan ang tatlo matapos bumangga sa punongkahoy ang sinasakyan nilang pampasaherong bus, noong Huwebes sa lungsod na ito.

Kinilala ang namatay na si Andrea Mananay, nasa hustong gulang, taga-Barangay Magdugo, Toledo City.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Eric Pondoy, 36, taga-Balamban; Laren Rebicoy, 30, ng Brgy. Lutopan, Toledo; at Violeta Garcia, 54, ng Brgy. Lutopan, Toledo.

Nasa kustodiya naman ng Naga City Police Station ang suspek at driver ng bus na kinilalang si Derold Tajones Geraldez, 37, at residente ng Brgy. Lutopan, Toledo.

Batay sa report ng pulisya, bandang alas-3:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa Sitio Gaway-gaway, Barangay Uling.

Ayon kay P/Lt. Col William Homoc, hepe ng Naga City Police Station, minamaneho ni Geraldez ang bus ng Gabe Transport at habang binabaybay ang nasabing kalsada ay bigla na lamang itong nawalan ng preno.

Dahil dito, kinabig ng suspek ang manibela sa gilid ng kalsada hanggang sa sumalpok ito sa punongkahoy.

Sinabi ni Geraldez na nakita niyang tumalon sa bintana si Mananay at tumama ito sa puno.

Isinugod naman sa ospital ang mga biktima subalit idineklara na rin patay ng umatending doktor si Mananay.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries and damage to property ang suspek. Mary Anne Sapico