Home METRO Babae nasawi sa baha sa NegOr

Babae nasawi sa baha sa NegOr

185
0

NEGROS ORIENTAL, Philippines – Isang babae ang nasawi habang ilan pa ang naapektuhan ng pagbaha sa ilang bayan ng Negros Oriental matapos ang matinding panahon na nagdulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan nitong weekend, ayon sa mga awtoridad.

Ayon kay Capt. Stephen Polinar, tagapagsalita ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO), ang biktima na 58 taong gulang ay residente ng Sitio Bay-ang, Barangay Tabon, Vallehermoso.

Natagpuan ang kanyang bangkay sa isang tubuhan sa Sitio Bay-ang bandang 5:50 ng hapon noong Sabado, base sa ulat ni barangay kagawad Randy Cadorna.

Lumabas sa imbestigasyon na tinangka ng biktima na tumawid sa isang sapa upang sundan ang kanyang asawa na umalis para siguruhin ang kanilang mga alagang hayop.

Gayunman, siya ay tinangay ng malakas na agos ng baha at tinamaan umano ng malalaking bato na nagdulot ng maraming sugat.

Ayon kay Negros Oriental Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) head Adrian Sedillo, “Flooding and minor landslides were reported by local government units Friday Saturday, and Sunday following heavy and sometimes persistent rainfall caused by the shear line.”

Batay sa ulat ng DRRMO sa tanggapan ng gobernador, nakaranas din ng pagbaha ang Bindoy, Manjuyod, at Tayasan.

Naiulat din ang pagguho ng lupa sa ilang barangay sa Bindoy at Vallehermoso, habang pansamantalang hindi madaanan ang ilang spillway at kalsada.

May ilang lugar din ang nakaranas ng pagkawala ng tubig at kuryente.

Ayon kay Sedillo, hinihintay pa ang karagdagang detalye ukol sa mga napinsalang flood control structure at kabuuang bilang ng mga residenteng apektado. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here