Home HOME BANNER STORY Chavit hinamon ng debate si PBBM

Chavit hinamon ng debate si PBBM

223
0

MANILA, Philippines – Sa ginawang press conference noong Lunes, Enero 5, 2026, binigyang-diin ni Singson na nais niyang mangyari ang diskusyon sa lalong madaling panahon, maging bukas man kung tatanggapin ng administrasyon ang kanyang hamon.

Ang gitgitan ay nag-uugat sa mga umano’y anomalya sa flood control projects at ang kuwestiyonable pang pananatili ng administrasyon sa kapangyarihan.

Kasabay nito, nanawagan ang Ilocano kingpin para sa isang “One Time, Big Time” na kilos-protesta.

Hinimok niya ang lahat ng bahagi ng lipunan, kabilang ang sektor ng relihiyon, mga sundalo, pulis, at mga grupo mula sa kaliwa at kanang panig ng pulitika, na magkaisa sa nasabing pagtitipon.

Layunin ng press conference na ilabas ang mga ebidensyang hindi pa nakikita ng publiko na direktang nag-uugnay sa mga legacy nina Marcos Jr. at Sr. sa mga iregularidad.

Sa loob ng isang oras na pagsasalita, nagpakita si Singson ng listahan ng mga imprastraktura sa Ilocos Norte, ang balwarte ng mga Marcos, na idineklarang tapos na sa papel ngunit hindi naman talaga nagawa sa realidad.

Nagpakita rin siya ng mga video clip na nagpapakita ng matinding pinsala ng baha sa taumbayan na resulta umano ng mga “ghost projects” na ito.

Binatikos din niya ang Pangulo sa pag-angkin na ito ang nakadiskubre ng anomalya sa 2025 budget, gayong ang dating Pangulong Rodrigo Duterte umano ang unang naglantad nito bago ito “kinidnap” at dinala sa International Criminal Court noong nakaraang taon upang patahimikin.

Idiniin ni Singson na ang kanyang paglantad ay bunga ng “divine providence” dahil sa kahalagahan ng numerong 40 sa Bibliya.

Ipinaliwanag niya na 68 taong gulang na si Marcos Jr. ngayong 2026, kaparehong edad ng kanyang ama noong 1986, na eksaktong 40 taon na ang nakalilipas.

Dahil ang 40 ay sumisimbolo sa pagtatapos at bagong simula, naniniwala si Singson na ito na ang tamang panahon para ilantad ang kamay nina Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sa korapsyon. (Maritess Pumaras) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here