MANILA, Philippines – Pansamantalang inalis sa tungkulin ang ilang tauhan ng Caloocan City police, kaugnay ng isinagawang operasyon sa paghabol sa umano’y pumatay sa isang babae na naunang natagpuang patay sa isang kanal sa nasabing lungsod.
Ang pag-alis sa pwesto ay bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa umano’y sapilitang pagpasok sa loob ng isang bahay habang tinutugis ang suspek sa pagbaril sa 34 anyos na babae.
Base sa ulat, natagpuan ang biktima na wala nang buhay at may dalawang tama ng bala ng baril at nakahandusay sa isang kanal sa Avocado st., Camarin ng nasabing lungsod.
Ayon sa mga rumespondeng pulis, may impormasyon umano silang natanggap hinggil sa suspek na sinasabing tumakbo umano sa loob ng isang bahay.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya at pinuntahan ang itinuturong bahay.
Nagreklamo naman ang may-ari ng nasabing bahay dahil sa umano’y pagpasok nang walang pahintulot ng mga pulis na nagresulta din umano ng pagkasira ng kanilang gate. Rene Manahan