LANAO DEL SUR-DUGUAN bumulagta sa harap ng kanilang bahay ang dating alkalde matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin, nitong Miyerkules, Pebrero 26, sa bayan ng Lumbaca-Unayan.
Kinilala ang biktimang si dating Lumbaca-Unayan mayor Abdul Aziz Tadua Aloyodan, 60, na asawa ng kasalukuyang alkalde na si Jamalia Aloyodan.
Batay sa report ng Lumbaca-Unayan Municipal Police station, bandang 7:36 AM naganap ang krimen sa harap ng bahay ng biktima na katapat mismo ng munisipyo ng nasabing bayan sa Barangay Oriental Beta.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakatayo ang biktima sa motorpool nang biglang sumulpot ang suspek lulan ng puting pick-up at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan saka mabilis na tumakas.
Agad naman dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen, nakapulot sila ng tatlong basyo ng caliber 7.62 at anim na basyo ng caliber 5.56.
Inaalam na ngayon ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen kung may kinalaman ito sa nalalapit na halalan o dating alitan.
Bumuo na rin ang mga awtoridad special investigation task group (SITG) para sa masusing imbestigasyon at agad pagdakip sa suspek. Mary Anne Sapico