Home NATIONWIDE DOTR lilikha ng opisina, tututok sa mga programang magpapalakas sa public transpo

DOTR lilikha ng opisina, tututok sa mga programang magpapalakas sa public transpo

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Huwebes ang paglikha ng Flagship Project Management Office (FPMO) upang pamahalaan at mapabilis ang mga priyoridad na proyektong pang-imprastraktura sa transportasyon.

Ang paglikha ng FPMO ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang mga proyektong magpapahusay sa koneksyon at maibsan ang mga problema ng commuter.

Ayon sa Department Order 2025-002, ang FPMO ay magdidirekta ng mga patakaran at titiyakin ang “maximum effort” at paglalaan ng mga resources kaugnay ng pagpapatupad ng mga priority infrastructure flagship projects (IFPs) gayundin ang pangangasiwa at susubaybayan ang kanilang katayuan.

Kabilang sa mga IFP na ito ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway Project, EDSA Busway Project, EDSA Greenways Project, Cebu Bus Rapid Transit, at Davao Public Transport Modernization Project.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dizon na pangungunahan nito ang FPMO bilang chair.

Ayon kay Dizon, personal niyang tututukan ang mga proyekto at guided ng istriktong timelines.

“So mag-iimpose tayo ng deadlines para sa mga projects na iyan,” ani Dizon.

Bilang tagapangulo ng FPMO, tutukuyin niya ang iba pang priyoridad na IFP at susubaybayan ang mga pag-unlad ng bawat IFP batay sa mga ipinataw na timeline.

Dagdag pa rito, makikipag-ugnayan ang FPMO sa iba pang sektor ng DOTr at mga kaakibat na ahensya, katuwang at mga ahensyang nagpapatupad, iba pang departamento, at mga tanggapan ng gobyerno.

Sa partikular, ang FPMO ay mag-uugnay sa pagpapatupad, pagsubaybay, pag-uulat, at pagsusuri ng mga IFP; at pagsamahin at pakilusin ang mga mapagkukunan ng DOTr upang i-streamline at pagsabayin ang mga badyet ng mga IFP na ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden