MANILA, Philippines – MAS BUMABA ang crime rate sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kabila ng napaulat na kidnapping incidents at kumpara sa pigura na naitala sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang problema sa krimen sa bansa ay “sensationalized” dahil sa mga video na in-upload sa social media.
“May mga pagkakataon na merong krimen, talagang nagaganap. Hindi perpekto ang ating mundo. Pero tandaan natin, itong kidnapping na ito, ito ay hindi masasabing isolated case pero hindi ito nagpapataas ng crime rate ng Pilipinas,” ayon kay Castro.
“Itong sinasabing pagpapakalat na tumataas ang crime rate sa panahon ni Pangulong Marcos ay gawa-gawa ng troll,” aniya pa rin.
Pinayuhan ni Castro ang publiko na huwag maniwala sa mga kumakalat sa social media platforms, nagbabala laban sa balak na maghasik ng takot.
Winika nito na ang statistics ang siyang magpapabula ng di umano’y pagtaas ng krimen.
“Ang crime rate sa panahon ni Pangulo ay hindi ganoon kataas. Pero sinabi nga natin hindi perpekto ang pamahalaan dahil hindi maiiwasang may mga krimeng nagaganap,” ang sinabi pa ni Castro.
Nauna rito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na ang overall crime rate ng bansa ay bumaba ng 26.76%, matapos makapagtal ng 3,528 kaso ng krimen mula Jan. 1 hanggang Feb. 14, mas mababa kaysa sa 4,817 kaso na naitala sa kaparehong panahon ng nakaraang taon.
Sinabi pa ng PNP na ang kaso ng kidnapping ay bumaba rin nito lamang buwan ng Enero, kasunod ng derklarasyon na ‘total ban’ sa Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Mula January 2024 hanggang February 2025, ang PNP Anti-Kidnapping Group ay nakapagtala ng 40 kidnapping cases, 10 mula sa nasabing bilang ay sangkot ang Chinese national na naiulat na dinukot ng kanilang mga kababayan.
Tinuran ng PNP na ang kidnappings ay maaaring udyok ng nakaraang operasyon ng POGOs na ipinagbabawal na ngayon sa bansa. Kris Jose