MANILA, Philippines – Patay ang isang hindi pa nakikilalang babae matapos na barilin ng hindi pa tukoy na mga suspek habang nakaupo sa Sitio Bajaowan, Brgy. Mambaling, Cebu City, nitong Huwebes ng gabi, Agosto 22.
Nangyari ang pamamaril alas-7 ng gabi.
Sa police report, rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng tawag sa concerned citizen tungkol sa pamamaril.
Naabutan na wala nang buhay ang babae sa lamesa. Nakasuot ito ng blue na t-shirt at striped shorts.
Tinatayang nasa 35-anyos ang edad nito.
Sa inisyal na imbestigasyon, isa sa mga suspek ang bumaril sa biktima sa ulo gamit ang hindi pa tukoy na kalibre ng baril.
Tumakas sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang suspek.
Sa imbestigasyon ni Police Major Efren Dela Cruz Diaz Jr., hepe ng Mambaling Police Station, lumabas na ang biktima ay residente ng Brgy. Pardo.
Bagama’t hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan, posibleng sangkot sa pagtutulak ng droga ang biktima.
May persons of interest na ang pulisya sa pamamaril.
Ngayong linggo lamang ay nakapagtala ng apat na shooting incidents sa jurisdiction ng Mambaling Police Station. RNT/JGC