MANILA, Philippines – Nasa P5.5 bilyong halaga ng ismagel na sigarilyo at fake items ang nakumpiska mula sa iba’t ibang warehouse sa Bulacan, sinabi ng Bureau of Customs (BOC) nitong Biyernes, Agosto 23.
Sa operasyon nitong Huwebes, sinabi ng BOC na nasamsam ng mga awtoridad ang mga pekeng device garments, at gadget na may pinagsama-samang halaga na aabot sa P5 bilyon.
Kasama rin dito ang mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P500 milyon mula sa 19 warehouses sa Green Miles Compound, Sitio Cabatuhan, Camalig sa Meycauayan City.
“Our team found suspected smuggled cigarettes and counterfeit items, totaling to around P5.5 billion based on initial estimates. Smuggling in this magnitude is the work of big organizations because of the complexity of the process of storing, hiding, and trickling these to the markets,” saad sa pahayag ni Customs Intelligence and Investigation Service Director Verne Enciso.
Ayon kay Enciso, ang kanilang inspeksyon sa 19 warehouses ay suportado ng Letter of Authority.
Sinabi ng BOC na ang consignors at consignees ng mga nakumpiskang sigarilyo at pekeng gamit ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8291 o Intellectual Property Code of the Philippines, Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, at National Tobacco Administration Board Resolution No. 079-2005.
Mahaharap din ang mga ito sa kasong paglabag sa probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act. RNT/JGC